Sunday, August 16, 2009

Ang lugar na kung tawagin noon ay Cupang sa paglipas ng panahon ay nakasanayan nang tawaging Baryo San Jose.

Nang dumaluhong at nakatagpo ng lugar ang aral-kaisipang aglipayano sa kabilang ibayo ng ilog ( Meyto at Panducot) noong taong 1904, ang pamayanan ng San Jose, bagama’t hinimok ay nanatiling tapat sa Aral-Katoliko at Hererkiya nito. Ang kuwento ni Nana Moyang Lopez ng baryo San Jose ay ganito:

“ Ito ang kuwento ng ama ko:’ na si San Jose ang sumalag, nagtanggol at nag-ingat sa pamayanang ito ng Cupang sa panahon ng himagsikan at maging sa dala nitong aral-aglipayano. …’ ” Tungkol naman sa mga taga Panducot na tumatawid ng ilog,ganito naman ang kanyang sinabi:“Nakagisnan ko nang tumatawid sila dito para nga magsimba. Sila ay ang dalawang pamilya ng Baluyot; ng Santiago at ng Torres. Tumatawid sila rito kailanma’t may gawaing pang-Kapilya, tulad din ng pakikiramay nila sa namatayan, pakikilibing sa kabayanan, sa mga dasal at pagsisiyam, sa alayan ng bulaklak sa buwan ng Mayo, sa pagrorosaryo sa buwan ng Oktubre, sa mga Misa ng simbang gabi, sa mga pabasa ng Pasyon sa panahon ng Kuaresma at taunang pagpipista, naroroon sila at aktibo na nakikiisa. Sa paglipas ng maraming taon, ang ganitong pakikibaryo ng mga taga Panducot ay minana na ng kanilang mga anak, manugang at mga apo. Sila ay napagkilala ng mga taga San Jose na mga “katolikong sarado” samantala sila ay kilala sa kanilang lugar (Panducot) na mga “taong romano.”

Nang dumating ang ika-100 taong pag-iral ng Kapilya ng San Jose (1851-1951) idineklara ng Santa Iglesiya na maging ganap na Simbahang Pamparokya ang kanilang pangbaryong kapilya noong ika-27 ng Oktubre, 1951. Ayon sa deklarasiyon, ang Parokya ng San Jose, ang Manggagawa ay binubuo ng mga Brgy. San Jose,Brgy. Sta. Lucia, Brgy. Meysulao, Brgy. Panducot at Brgy. Meyto. Ang kamanghaan sa kaganapang ito ay di maubos maisip maging ng mga taga San Jose lalo na ng mga karatig baryo na nasasakop nito. Sapagkat bago pa maganap ang deklarasiyon , ang Brgy. Sta. Lucia ay kilala na sa kanyang maringal na kapistahan (Disyembre 13) ay may layunin noon pa man na maging isang Paroquia. Ang Brgy. Meysulao na halos sakop na ng Pampanga ay talagang may kalayuan mula sa San Jose bukod pa sa ito ay nasa kabilang ilog Pampanga na kay luwang ( ang nasabing lugar ay matagal nang dinudumog ng iba’t iabng relihiyon at sekta). Samantalang ang Meyto at Panducot ay isa nang ganap na Paroquia sa pamamahala ng aglipayano. Sabihin pa ay malaon na ring hinihikayat ng mga taga San Juan (kasunod na barangay ng San Jose) ang mga taga San Jose na mapabilang na lamang ang huli sa kanilang Parokya na natatag noong 1949 sa karangalan ng Mahal na Poong San Juan Bautista.

Kung mayrooon man hindi nagtaka at nag-alinlangan sa kaganapang yaon at sa halip ay labis ang pasasalamat at kagalakan, sila ay ang mga katolikong taga-Panducot. Sapagkat para sa kanila ang Brgy. San Jose sa kabila ng kanyang kahirapan, kasimplihan at katapatan ay may papel na dapat na gampanan sa mga itinalagang mga barangay na masasakupan lalo’t higit sa pamayann ng Meyto at Panducot na pawang mga aglipayano.

14

No comments:

Post a Comment