Noong taong 1905 sa kabila na ang buong pamayanan ng Meyto at Panducot ay pawang mga aglipayano na; itinaguyod pa rin nila ang di kaylanmang napatid na taunang pagpipista. Kung matao man at dinadayo ang Kapilya nang ang pamayanan ay pawang mga katoliko pa. Ngayon ay lalo pang naging matao. Lalo pang dinayo at lalo pang naging masaya. Marahil nga ay sa diwa ng pag-ayuda ng mga taga ibang bayan at lugar sa iilang katoliko na doon ay nagpipista.
“Sa bawat taon na lumilipas at nagpipista ay talaga po namang nadaragdagan at tumitining ang saya.” Ang bida pa ni Papo Ineng.
Noong taong 1912, ipinagdiwang ng katoliko-Panducot sa pangunguna at patnubay ng
Isa sa mga natatanging kaganapan sa nasabing pagpipistang yaon ay ito: Na ang mga aglipayano, (sapagkat sinasabi nila na sila naman daw ay mga binyagang katoliko) ay di nakaiwas na sariwain at bakasin ang kanilang makasaysayang nakaraan sa kaugnayang sa milagrosa at nakagisnang Kapilya. Lalo na ang paghanga at ang pagpaparangal nila sa Imahen ng Birheng Presentacion na kanila rin daw Patrona. Sa madaling salita, nalagom ang buong pamayanan sa pagpipista sa dati nilang Kapilya, sa orihinal na Kapilya ng Birheng Presentacion. Sa pangyayaring ito, nagulimihanan nang gayun na lamang na may halong panibugho ang pamunuan ng bagong Bisita-Aglipayano sa Milagrosang Kapilya.
Noong sumunod na taong 1913 hindi man dapat ay iginiit ng masamang kapalaran ang kanyang papel sa kasaysayan ng buong pamayan ng Meyto at Panducot. Sapagkat sa taon yaon 1913 ay nakuha at napasakamay ng pamunuang aglipayano ang imaheng ng Birheng Presentacion. Ito ay itinanghal nila sa kanilang bagong kapilya. At sa taon ding iyon, ante bisperas ng Pista, Nobyembre 19, 1913 ng matandang kapilya, nangyari ang di maubos-maisip na magaganap. Ang Kapilya na naitatag noong 1572 ay sinunog!!! Ganito ang salaysay ni Papo Elena:
“ may isip na ako noon, ante bisperas noon, ika-19 ng Nobyembre, taong 1913, alas 3;00 ng umaga. Kitang-kita ko ang pagliliyab ng Kapilya. Naku po!!! Ina ko po! Ang sunod-sunod kong sigaw na di ko namamalayan. Langitngitan ang bubong na pawid nito, pati na ang mga dingding ay nilalamon ng nag-aalimpuyong apoy at nasaksihan ko kung paano dahan-dahan na yumuyuko sa pagkakasunog ang ga-taong imahen ng Santo Kristo na nakasentro sa altar; kung paano siya lumagapak, dapang-dapa sa pagbagsak… buti na lamang ang imahen ni Birheng Presentacion ay kinuha muna nila, bago nangyari ang sunog.”
“ Eh, kung naroon ang Birhen, hindi iyon masusunog, kaya nga kinuha muna nila.” Ang pahabol na sabi naman ni Papo Ineng.
12
No comments:
Post a Comment